Ang Aklat ng Genesis
Support
Kabanata 1
[edit]
Ang Kasaysayan ng Paglikha
1 Sa simula, nang likhain ng Diyos ang langit[1] at ang lupa, 2 ang lupa ay walang anyo at walang laman, at kadiliman ang bumalot sa karayagan ng kailaliman, habang ang Espiritu ng Diyos ay gumagalaw[2] sa karayagan ng tubig.
3 At sinabi ng Diyos, "Magkaroon ng liwanag" at nagkaroon nga ng liwanag. 4 At nakita ng Diyos na ang liwanag ay maganda, at inihiwalay ng Diyos ang liwanag mula sa kadiliman. 5 At tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at tinawag ang kadiliman na Gabi; at gumabi at nag-umaga, ang unang araw.
6 At sinabi ng Diyos, "Magkaroon ng balantok ang gitna ng katubigan, at hayaang hatiin sa pagitan ng tubig sa tubig". 7 At ginawa nga ng Diyos ang balantok, at hinati ang tubig na nasa ilalim mula sa tubig na nasa ibabaw ng balantok, at gayon nga. 8 At tinawag ng Diyos ang balantok na Langit. At gumabi at nag-umaga, ang ikalawang araw.
9 At sinabi ng Diyos, "Ang katubigan sa silong ng langit ay magtipon nawa sa isang dako, at ang katuyuan ay palitawin," at gayon nga. 10 At tinawag ng Diyos ang katuyuan na Lupa, at ang sama-samang tubig ay tinawag niyang Karagatan. At nakita ng Diyos na ito ay maganda. 11 At sinabi ng Diyos, "Sibulan ang lupa ng damo, mga halamang nagkakabinhi, mga punong gumagawa ng bunga sa uri nito, na may buto nito sa loob, sa ibabaw ng lupa," at gayon nga. 12 At ang lupa ay sinibulan nga ng damong nagbibinhi, mga halamang nagbibinhi sa kanilang uri, at mga punong gumagawa ng bunga na may buto nila sa loob; at nakita ng Diyos na ito ay maganda. 13 At gumabi at nag-umaga, ang ikatlong araw.
14 At sinabi ng Diyos, "Magkaroon ng mga tanglaw sa balantok[3] ng langit, upang matukoy ang pagitan ng gabi at ng araw; at gawin sila para sa mga tanda at sa mga panahon, at sa mga araw at mga taon. 15 At sila'y magiging mga tanglaw sa balantok ng langit upang magsabog ng liwanag sa daigdig," at gayon nga. 16 At gumawa nga ang Diyos ng dalawang malalaking tanglaw: ang mas malaking tanglaw[4] upang pamahalaan ang araw, at ang mas maliit na tanglaw[5] upang pamahalaan ang gabi at mga bituin. 17 At inilagay sila ng Diyos sa balantok ng kalangitan upang magsabog ng liwanag sa daigdig. 18 At upang pamahalaan ang araw at gabi, at upang maghiwalay ang liwanag at dilim; at nakita ng Diyos na ito ay maganda. 19 At gumabi at nag-umaga, ang ikaapat na araw.
20 At sinabi ng Diyos, "Ang katubigan ay pananahanan ng may mga anyo ng buhay na kaluluwa; at ibon ay paliliparin sa ibabaw ng lupa, sa balantok ng langit" 21 At lumalang nga ang Diyos ng mga dambuhalang nilalang sa dagat, at lahat ng mga nilalang na may buhay, na gulagalaw, na sumisibol sa tubig ayon sa kanilang uri, at bawat ibong may pakpak ayon sa uri nito, at nakita ng Diyos na ito ay maganda. 22 At pinagpala sila ng Diyos na ang sabi: "Mamunga at magpakarami, at punuin ang tubig sa karagatan at ang ibon, ay dadami sa lupa." 23 at gumabi at nag-umaga, ang ikalimang araw.
24 At sinabi ng Diyos, "Mula sa lupa ay lalabas ang mga nilalang na may buhay ayon sa kanilang uri, mga ganid at mga gumagapang, at kabakahan, sa kanilang uri;" at gayon nga. 25 At ginawa nga ng Diyos ang kabakahan ayon sa uri nito, at ang ganid ayon sa sariling uri nito, at ang gumagapang ayon sa sariling uri nito; at nakita ng Diyos na ito ay maganda.
26 At sinabi ng Diyos, "Lilikha tayo ng tao sa ating larawan, sa ating pagkakatulad. At sila ang mangangasiwa ng mga isda sa dagat, ng mga ibon sa himpapawid, ng mga hayop, at ng buong daigdig, ng lahat ng mga gumagapang na nagsisipaggapang sa lupa."
27 At lumikha nga ang Diyos ng tao sa kaniyang larawan, sa larawan ng Diyos nilikha siya—nilikha silang lalaki at babae. 28 At sila'y pinagpala ng Diyos, at sinabi ng Diyos sa kanila, "Mamunga at magpakarami at punuin ang daigdig, at sakupin ito, at pangasiwaan ang isda sa dagat, ang ibon sa himpapawid, at bawat hayop na gumagapang sa lupa."
29 At sinabi ng Diyos, "Narito, ibinigay ko na sa inyo ang bawat halamang nagbubutil sa buong daigdig, at bawat puno na may bunga, na ang bunga nito'y nagbubunga, ay para sa inyo upang makakain.30 At sa bawat hayop sa lupa, at sa bawat ibong lumilipad, at sa bawat hayop na gumagapang sa lupa na may buhay na espiritu; ibinigay ko naman ang bawat luntiang halaman, upang makakain," at gayon nga.
31 At nakita ng Diyos na ang bawat bagay na kaniyang ginawa, masdan, at ito ay napakaganda. At gumabi at nag-umaga, ang ikaanim na araw.
Kabanata 2
[edit]
1 Nayaring naitayo ang langit at ang lupa, at lahat ng mayroon sila.
2 At nayari ng Diyos sa ikapitong araw ang paglikha na kaniyang nagawa. At nagpahinga sa ikapitong araw mula sa lahat ng paglikha na kaniyang nagawa. 3 At pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw, at ginawa itong banal, dahil sa ito ang pagpahinga niya mula sa kaniyang paglikha, na kung saan ang Diyos ay gumawa.
Ang Hardin ng Eden
4 Ito ang mga salaysay ng langit at ng lupa, sa kanilang paglikha: sa araw na si Yahweh-Diyos[6] ay gumawa ng lupa't langit.
5 at ang bawat pananim ay wala pa sa daigdig, at bawat damo ay di pa tumutubo, sapagkat si Yahweh-Diyos ay di pa nagpabuhos ng ulan sa daigdig, at wala pang taong gagawa sa lupa, 6 at isang ulop[7] ang iniakyat mula sa lupa upang diligan ang buong ibabaw ng lupa.
7 At si Yahweh-Diyos ay lumikha ng tao[8], sa alikabok na mula sa lupa, at hinipan sa mga butas ng ilong nito ng hininga ng buhay; at si Adan ay naging isang buháy na kaluluwa. 8At si Yahweh-Diyos ay naglagay ng isang hardin sa Eden, sa silangan. At inilagay niya roon ang tao na kaniyang hinulma.
9 At si Yahweh-Diyos ay nagpalago mula sa lupa ng bawat puno na magandang tingnan at mabuti para kainin, at puno ng buhay sa kalooban ng halamanan, ang puno ng pagkakaalam ng mabuti at masama. 10 At isang ilog ang inilabas ng Eden, upang dumilig sa hardin; at mula rito ay naghati-hati at naging apat na ilog.
11 Ang pangalan ng isa ay Pison, kung saan napapalibutan ang buong lupain ng Havila, kung saan nagkaroon ng ginto. 12 At ang ginto ng lupaing iyon ay mabuti, may bedelio at batong onix. 13 At ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon, at ito na napapalibutan ang buong lupain ng Cus[9]. 14 At ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hidekel[10], na kung saan ay papunta sa silangan ng Asur[11]. At ang ikaapat na ilog ay ang Parat[12].
15 At kinuha ni Yahweh-Diyos ang tao, at ibinaba siya sa hardin ng Eden, upang gumawa rito at pangalagaan ito.
16 At ibinilin ni Yahweh-Diyos sa tao, na ang sabi, "Mula sa lahat ng mga punungkahoy sa hardin ay maaari mong kainin. 17 At mula sa puno ng pag-alam ng mabuti at masama, ay hindi mo kakainin. Dahil sa araw na kumain ka mula rito, ikaw ay mamatay sa isang tiyak na kamatayan."
18 At sinabi ni Yahweh-Diyos, "Hindi mabuti para sa isang tao na mag-isa, gagawan ko siya ng isang katuwang, umaayon sa kaniya."
19 At si Yahweh-Diyos ay bumuo mula sa lupa ng bawat hayop sa parang at bawat ibon sa himpapawid, at lumapit siya sa tao, upang makita kung ano ang maitatawag nito sa mga ito, at bawat bagay na maitawag ng tao rito, mga bagay na may buhay, ay iyon ang kaniyang pangalan. 20 At ang tao ay nagbigay ng pangalan sa bawat ganid at ibon sa himpapawid, sa bawat hayop sa parang, at ang tao ay hindi makahanap ng isang katuwang upang makadagdag sa kaniya.
21 At pinatulog ni Yahweh-Diyos si Adan ng mahimbing, at habang siya ay natutulog, kinuha ang isa sa kaniyang mga tadyang, at isinarang muli ang laman sa paligid. 22 At ang tadyang na kinuha ni Yahweh-Diyos mula sa lalaki ay ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki.
23 At sinabi ng lalaki, "Ito ngayo'y buto ng aking mga buto, at laman ng aking laman, ang itatawag sa kaniya'y babae[13], sapagkat siya ay kinuha mula sa lalaki[14]." 24 Dahil dito, iiwan ng isang lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at sasama sa kaniyang asawa, at sila ay magiging isang laman.
25 At sila'y kapuwa hubo't hubad, si Adan at ang kaniyang asawa, at hindi nakaramdam ng hiya.
Kabanata 3
[edit]
Nagkasala ang Tao
1 At ang ahas ay masama, higit na tuso sa lahat ng mga hayop nasa lupa na ginawa ni Yahweh-Diyos. At sinabi niya sa babae, "Sinabi ba ng Diyos na hindi kayo kakain ng mula sa anumang puno sa hardin?"
2 At sinabi ng babae sa ahas, "Makakain kami ng bunga ng mga puno ng hardin 3 at mula sa mga punong kahoy na nasa loob ng hardin, ngunit sinabi ng Diyos, 'Huwag kayo kakain mula rito, ni huwag kayo hihipo, kundi kayo'y mamamatay.'"
4 At sinabi ng ahas sa babae, "Walang kamatayan na iyong ikamamatay. 5 Dahil alam ng Diyos na sa araw na kayo'y kakain mula sa mga ito, ang inyong mga mata'y mabubuksan, at kayo'y magiging parang mga Diyos, na nakakaalam ng mabuti at masama."
6 At nakita ng babae na mabuti ang puno para sa pagkain, at ang anyo nito'y nakapagpapanasa sa mga mata, at ang punong iyo'y kinanaisan upang gawing marunong ang sinuman, at siya'y pumitas ng bunga nito at kumain, at binigyan ang kaniyang asawa na kasama niya, at kumain din ito. 7 At ang kanilang mga mata ay nabuksan, at nalaman nila na sila'y hubo't hubad, at tumahi sila ng mga dahon ng igos at ang mga ito'y ginawa nilang panakip.
8 At narinig nila ang tinig ni Yahweh-Diyos, na naglalakad sa hardin sa kulimlim ng araw, at nagtago ang lalaki at ang kaniyang asawa mula sa mukha ni Yahweh-Diyos sa mga puno ng hardin.
9 At tinawag ni Yahweh-Diyos si Adan, at sinabi "Nasaan ka na ba?"
10 At sinabi niya, "Narinig ko po ang inyong tinig sa hardin, at ako'y natakot sapagkat ako'y hubo't hubad, at ako ay nagtago."
11 At sinabi niya, "Sinong nagsabi sa iyo na ikaw ay hubo't hubad? Kumain ka ba mula sa puno na ibinilin ko sa iyo na huwag kainin?"
12 At sinabi ni Adan, "Ang babae po na binigay ninyo sa akin, ang nagbigay sa akin ng mula sa puno at ako po'y kumain."
13 At sinabi ni Yahweh-Diyos sa babae, "Ano itong ginawa mo?" At sinabi ng babae, "Nilinlang po ako ng ahas, at ako po'y kumain."
Inihayag ng Diyos ang Kaparusahan
14 At sinabi ni Yahweh-Diyos sa ahas, "Dahil sa ginawa mo ito, susumpain kita mula sa lahat ng mga baka, at mula sa bawat ganid sa parang. Sa iyong katawan, ikaw ay lalakad, at alikabok ang iyong kakainin sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. 15 Maglalagay ako ng pag-aalit sa pagitan mo at ng babae, at ng binhi mo at ng kaniyang binhi. Ito ang dudurog sa iyo sa ulo, at ikaw ang dudurog sa kaniya sa sakong. "
16 At sa babae sinabi niya, "Pararamihin kong lubusan ang iyong mga hapdi at ang iyong paglilihi; sa hapdi, ikaw ay magsisilang ng mga anak; at ang iyong nais ang sa iyong asawa; at siya ang mamamahala sa iyo"
17 At sa lalaki ay sinabi niya, "Dahil nakinig ka sa iyong asawa, at kumain mula sa puno, na ibinilin ko sa inyo na, 'Huwag kakain ng mula rito,' ang lupain ay isinumpa ko para sa iyo, sa lungkot kayo ay kumain sa lahat ng mga araw ng inyong buhay 18 At mga tinik at dawag ay iaani para sa iyo, at ikaw ay kakain ng mga ligaw na damo sa parang. 19 Sa pawis ng iyong mukha, ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, dahil mula riyan ka kinuha. Dahil ikaw ay mula sa alikabok, sa alikabok ay babalik ka rin."
20 At tinatawag ng lalaki ang kaniyang asawa na Eva[15], dahil siya ay naging ina ng lahat ng mga nabubuhay[16].
21 At si Yahweh-Diyos ay gumawa para kay Adam at sa kaniyang asawa ng kasuotang katad, at ipinasuot sa kanila.
22 At sinabi ni Yahweh-Diyos, "Narito, ang tao ay naging parang isa sa atin, sa pag-alam ng mabuti at masama, at ngayo'y baka iunat niya ang kaniyang kamay, at pumitas din ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at kumain, at mabuhay magpakailanman."
23 Kaya't inialis siya ni Yahweh-Diyos mula sa hardin ng Eden, upang araruhin ang lupa kung saan siya ay nanggaling. 24 At pinalayas niya ang tao; at inilagay niya sa dakong silanganan ng hardin ng Eden ang mga kerubin[17], at ang espada na umaapoy na lumilibot kahit saan, upang ingatan ang daan tungo sa puno ng buhay.
Kabanata 4
[edit]
Sina Cain at Abel
1 At nakilala ng lalaki si Eva na kaniyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ni Yahweh.”
2 Kasunod nito ay ipinanganak niya ang kaniyang kapatid na si Abel. Si Abel ay tagapag-alaga ng mga tupa at si Cain ay magbubungkal ng lupa.
3 Sa paglipas ng panahon ay nagdala si Cain ng isang handog kay Yahweh mula sa mga bunga ng lupa.
4 Nagdala rin si Abel ng mga panganay ng kaniyang kawan, ang taba ng mga iyon. At pinahalagahan ni Yahweh si Abel at ang kaniyang handog,
5 subalit hindi niya pinahalagahan si Cain at ang kaniyang handog. Galit na galit si Cain, at bumagsak ang kaniyang mukha.
6 Sinabi ni Yahweh kay Cain, “Bakit ka nagalit at bakit bumagsak ang iyong mukha?
7 Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ka ba tatanggapin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ang kasalanan ang nag-aabang sa pintuan. Ikaw ang nais nito, subalit kailangang madaig mo ito!”
Ang Pagpatay kay Abel
8 Sinabihan ni Cain ang kaniyang kapatid na si Abel, at nangyari nang sila'y nasa parang, tumindig si Cain laban kay Abel na kaniyang kapatid, at ito'y kaniyang pinatay.
9 At sinabi ni Yahweh kay Cain, “Nasaan si Abel na iyong kapatid?” At sinabi niya, “Aywan ko! Ako ba'y tagapagbantay ng aking kapatid?”
10 Sinabi niya, “Ano ang ginawa mo? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.
11 Ngayo'y sinumpa ka mula sa lupa. Ibinuka ng lupa ang bibig nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay.
12 Kapag binungkal mo ang lupa, ito ay di na muling magbibigay sa iyo ng kaniyang lakas. Ikaw ay magiging palaboy at pagala-gala sa lupa.”
13 At sinabi ni Cain kay Yahweh, “Ang parusa sa akin ay higit kaysa makakaya ko.
14 Ako ngayo'y itinataboy mo mula sa ibabaw ng lupa, at ako'y maikukubli sa iyong mukha. Ako'y magiging palaboy at pagala-gala, sinumang makakita sa akin ay papatayin ako.”
15 At sinabi sa kaniya ni Yahweh, “Hindi! Sinumang pumatay kay Cain ay pitong ulit na gagantihan.” At nilagyan ni Yahweh ng isang tanda si Cain upang huwag siyang patayin ng sinumang makakita sa kaniya.
16 At umalis si Cain sa harapan ni Yahweh at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden.
Ang mga Naging Anak ni Cain
17 Kinilala ni Cain ang kaniyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Enoc. Siya'y nagtayo ng isang lunsod at tinawag ang lunsod ayon sa pangalan ng kaniyang anak na si Enoc.
18 Naging anak ni Enoc si Irad; at naging anak ni Irad si Mehujael; at naging anak ni Mehujael si Metusael; at naging anak ni Metusael si Lamec.
19 At si Lamec ay nag-asawa ng dalawa; ang pangalan ng isa'y Ada, at ang pangalan ng ikalawa ay Zilla.
20 Naging anak ni Ada si Jabal. Siya ang ama ng mga naninirahan sa mga tolda at may mga hayop.
21 Ang pangalan ng kaniyang kapatid ay Jubal. Siya ang ama ng lahat na tumutugtog ng alpa at plauta.
22 Ipinanganak ni Zilla si Tubal-Cain, ang panday ng lahat na kagamitang patalim na tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal-Cain ay si Naama.
23 At sinabi ni Lamec sa kaniyang mga asawa,
“Ada at Zilla, pakinggan ninyo ang aking tinig.
Kayong mga asawa ni Lamec ay makinig sa aking mga salita. Pumatay ako ng isang tao, dahil sa pagsugat sa akin,
at ng isang binata, dahil sa ako'y sinaktan.
24 Kung pitong ulit ipaghihiganti si Cain, tunay na si Lamec ay pitumpu't pitong ulit.”
Sina Set at Enos
25 Muling nakilala ni Adan ang kaniyang asawa at siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kaniyang pangalan na Set; sapagkat kaniyang sinabi, “Binigyan ako ng Diyos ng ibang anak na kahalili ni Abel, sapagkat siya'y pinatay ni Cain.”
26 Nagkaanak din si Set ng isang lalaki, at tinawag ang kaniyang pangalan na Enos. Nang panahong iyon ang mga tao ay nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh.
Kabanata 5
[edit]
Ang Lahi ni Adan
1 Ito ang aklat ng mga salinlahi ni Adan. Nang lalangin ng Diyos ang tao, siya ay nilalang sa wangis ng Diyos. 2 Lalaki at babae silang nilalang, at sila'y binasbasan at tinawag na tao[18] ang kanilang pangalan, nang araw na sila'y lalangin. 3 Nabuhay si Adan ng isandaan at tatlumpung taon, at nagkaanak ng isang lalaki na kanyang wangis, ayon sa kanyang larawan, at tinawag ang kanyang pangalan na Set. 4 Ang mga naging araw ni Adan pagkatapos na maipanganak si Set ay walong daang taon; at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae. 5 Ang lahat ng mga araw ng naging buhay ni Adan ay siyamnaraan at tatlumpung taon at siya'y namatay.
6 Nabuhay si Set ng isandaan at limang taon at naging anak niya si Enos. 7 Nabuhay si Set pagkatapos na maipanganak si Enos ng walong daan at pitong taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. 8 Ang lahat na naging araw ni Set ay siyamnaraan at labindalawang taon at siya'y namatay.
9 Nabuhay si Enos ng siyamnapung taon at naging anak niya si Kenan. 10 Si Enos ay nabuhay pagkatapos na maipanganak si Kenan ng walong daan at labinlimang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. 11 Ang lahat na naging araw ni Enos ay siyamnaraan at limang taon at siya'y namatay.
12 Nabuhay si Kenan ng pitumpung taon at naging anak niya si Mahalalel. 13 Nabuhay si Kenan pagkatapos na maipanganak si Mahalalel ng walong daan at apatnapung taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. 14 Ang lahat na naging araw ni Kenan ay siyamnaraan at sampung taon at siya'y namatay.
15 Nabuhay si Mahalalel ng animnapu't limang taon at naging anak niya si Jared. 16 At nabuhay si Mahalalel pagkatapos na maipanganak si Jared ng walong daan at tatlumpung taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. 17 Ang lahat na naging araw ni Mahalalel ay walong daan at siyamnapu't limang taon at siya'y namatay.
18 Nabuhay si Jared ng isandaan at animnapu't dalawang taon at naging anak niya si Enoc. 19 Nabuhay si Jared pagkatapos na maipanganak si Enoc ng walong daang taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. 20 Ang lahat na naging araw ni Jared ay siyamnaraan at animnapu't dalawang taon at siya'y namatay.
21 Nabuhay si Enoc ng animnapu't limang taon at naging anak niya si Matusalem. 22 Lumakad si Enoc na kasama ng Diyos, pagkatapos na maipanganak si Matusalem ng tatlong daang taon, at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae. 23 At ang lahat na naging araw ni Enoc ay tatlong daan at animnapu't limang taon. 24 Lumakad si Enoc na kasama ng Diyos; at hindi na siya natagpuan sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.
25 Nabuhay si Matusalem ng isandaan at walumpu't pitong taon at naging anak niya si Lamec. 26 Nabuhay si Matusalem pagkatapos na maipanganak si Lamec ng pitong daan at walumpu't dalawang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. 27 Ang lahat na naging araw ni Matusalem ay siyamnaraan at animnapu't siyam na taon at siya'y namatay.
28 Nabuhay si Lamec ng isandaan at walumpu't dalawang taon at nagkaanak ng isang lalaki. 29 Tinawag niya ang kanyang pangalan na Noe, na sinabi, “Ito ang magbibigay sa atin ng ginhawa mula sa ating gawa at sa pagpapagod ng ating mga kamay, dahil sa lupang sinumpa ni Yahweh.“ 30 Nabuhay si Lamec pagkatapos na maipanganak si Noe ng limang daan at siyamnapu't limang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. 31 Ang lahat na naging araw ni Lamec ay pitong daan at pitumpu't pitong taon at namatay.
32 Nang si Noe ay may limang daang taon, naging anak niya sina Sem, Ham, at Jafet.
Kabanata 6
[edit]
1 Nang dumami na ang mga tao sa lupa at nagkaanakang babae, 2 nakakita ang mga anak ng Diyos ng mga anak na babae ng tao, at pinili nilang mag-asawa kahit kanino. 3 Sinabi ni Yahweh, "Ang Aking Espiritu ay hindi makikipagpunyagi sa tao magpakailanman, sapagkat siya ay tao lamang at hindi diyos; kaya't ang kaniyang mga araw ay magiging isang daan at dalawampung taon." 4 May mga Nefilim na nabubuhay sa lupa noong mga araw na iyon. Nang mag-asawa ang mga anak ng Diyos sa mga anak na babae ng tao, nagkaanak sila ng mga makapangyarihang lalaki. Ito ang mga bayani noong unang panahon, mga kilalang pangalan.
5 Nakita ni Yahweh ang kasamaan ng tao sa mundo, na ang lahat ng iniisip ng kanyang puso ay masama sa bawat araw. 6 Nagsisi si Yahweh na nilikha Niya ang tao sa lupa, at nagdalamhati Siya nang malalim sa kanyang puso. 7 Sinabi ni Yahweh, "Lilipulin ko ang mga nilikha kong tao sa mundo, mula sa tao hanggang sa hayop, sa mga gumagapang, at sa mga ibon sa himpapawid, sapagkat pagod na ako sa kanila." 8 Ngunit nakita ni Yahweh na si Noe ay matuwid.
9 Ito ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at walang kapintasan noong kapanahunan niya. Si Noe ay lumakad na kasama ng Diyos. 10Nagkaanak si Noe ng tatlong lalaki: sina Sem, Ham, at Jafet.
11 At naging masama ang daigdig sa harapan ng Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan. 12 Nakita ng Diyos na ang daigdig ay naging masama sapagkat pinasama ng lahat ng tao ang kanilang gawa sa lupa. 13 At sinabi ng Diyos kay Noe: "Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harapan ko; sapagkat ang lupa ay puno ng karahasan dahil sa kanila. At, tingnan mo, sisirain ko sila kasama ng lupa. 14 Gumawa ka ng isang daong na gawa sa kahoy ng gofer; may mga silid ka dapat gawin sa loob ng daong, at papahiran mo ito ng kapal sa loob at labas. 15 Ganito ang paraan kung paano mo ito gagawin: ang haba ng daong ay tatlong daan na siko, ang lapad nito ay limampung siko, at ang taas nito ay tatlumpung siko. 16 Gumawa ka ng isang bintana para sa daong, at tatapusin mo ito hanggang isang siko sa itaas. Ang pinto ng daong ay ilalagay mo sa gilid nito; at magkakaroon ito ng mga palapag: mababa, ikalawa, at ikatlong palapag. 17 At ako, tignan mo, magdadala ako ng baha ng mga tubig sa lupa, upang lipulin ang lahat ng laman kung saan may hininga ng buhay, mula sa ilalim ng kalangitan; lahat ng mayroon sa lupa ay mamamatay. 18 Ngunit magtatayo ako ng aking tipan sa iyo; at papasukin mo ang daong, ikaw at ang iyong mga anak, at ang iyong asawa, at ang mga asawang babae ng iyong mga anak kasama mo. 19 At dalawang lahi ng lahat ng nabubuhay na bagay na may laman, ay dadalhin mo sa daong upang manatiling buhay kasama mo; magiging lalaki at babae sila. 20 Ng mga ibon ayon sa kanilang uri, at ng mga hayop ayon sa kanilang uri, ng bawa't gumagapang na bagay sa lupa ayon sa kanilang uri, dadalhin mo sa iyo ang dalawang lahi ng bawa't uri upang manatiling buhay. 21 At kumuha ka ng lahat ng pagkain na kinakain, at pisanin mo ito; at ito ay magiging pagkain mo at ng mga ito." 22 Gayundin ginawa ni Noe; ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya, ay ginawa niya ito.
Kabanata 7
[edit]1 Sinabi ni Yahweh kay Noe, "Pumasok ka kasama ang iyong buong sambahayan sa daong, sapagkat nakita ko ang iyong katuwiran sa harap ko sa salinlahing ito. 2 Magdala ka ng pitong pares ng hayop na malinis, ang lalaki at ang kaniyang babae. Ngunit sa mga hayop na hindi malinis naman ay dalawa, ang lalaki at ang babae. 3 Pitong pares din ng ibon, lalaki at babae, upang mapanatili ang binhi sa ibabaw ng buong daigdig. 4 Sa loob ng pitong araw, magpapaulan ako sa lupa ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Lahat ng nabubuhay na nilikha ko ay aking papatayin sa ibabaw ng lupa."
5 Ginawa ni Noe ang lahat ng utos ni Yahweh sa kaniya.
6 Anim na raang taon na si Noe nang dumating ang baha sa lupa. 7 Pumasok si Noe sa daong kasama ang kaniyang mga anak na lalaki, asawa, at mga manugang, dahil sa baha. 8 Ang mga hayop na malinis, mga hayop na hindi malinis, mga ibon, at lahat ng gumagapang sa lupa 9 ay pumasok kay Noe sa daong, mag-asawa, lalaki at babae, ayon sa utos ng Diyos kay Noe. 10 Nangyari pagkatapos ng pitong araw, dumating ang baha sa lupa. 11 Sa ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, sa ikalawang buwan, sa ika-pitong araw ng buwan, sa araw ding iyon, nagbukas ang lahat ng bukal ng malalim na dagat at nagbukas ang mga bintana sa langit. 12 Umulan sa lupa ng apatnapung araw at apatnapung gabi.
13 Sa araw ding iyon, pumasok si Noe, at sina Sem, Ham, at Jafet, ang mga anak ni Noe, at ang asawa ni Noe, at ang tatlong manugang ng kaniyang mga anak kasama nila sa daong. 14 Sila, at bawat hayop ayon sa uri nito, lahat ng hayop na may buhay, bawat gumagapang sa lupa ayon sa uri nito, at bawat ibon ayon sa uri nito, lahat ng uri ng ibon. 15 Pumasok sila kay Noe sa daong, dala-dalawa, lalaki at babae, ng lahat ng laman may hininga ng buhay sa kanila. 16 Ang mga sumakay ay lalaki at babae ng lahat ng laman, pumasok sila gaya ng iniutos sa kaniya ng Diyos. At siya'y ikinulong ng Panginoon sa loob.17 Tumagal ang baha ng apatnapung araw. 17 Ang baha ay nagtagal sa lupa ng apatnapung araw. Tumaas ang tubig at itinaas ang daong, at ito ay lumutang sa ibabaw ng lupa. 18 Lalo pang tumataas ang tubig sa lupa, at lumutang ang daong sa ibabaw ng tubig. 19 Tumataas nang husto ang tubig sa lupa. Lahat ng mataas na bundok sa ilalim ng langit ay nalunod. 20 Tumataas nang labing-limang siko ang tubig sa ibabaw ng mga bundok. 21 Lahat ng may buhay na gumagalaw sa lupa, pati na ang mga ibon, hayop, lahat ng gumagapang sa lupa, at lahat ng tao ay namatay. 22 Lahat ng may hininga ng espiritu ng buhay, ng lahat ng nasa tuyong lupa, ay namatay. 23 Lahat ng may buhay na nasa ibabaw ng lupa ay nawasak, pati na ang tao, hayop, gumagapang sa lupa, at mga ibon sa langit. Sila ay nawasak sa lupa. Si Noe lamang at ang mga kasama niya sa daong ang naiwan. 24 Nagtagal ang baha sa lupa ng isang daang limampung araw.
Kabanata 8
[edit]1 At naalaala ng Diyos si Noe, at ang lahat ng may buhay, at ang lahat ng hayop na kasama niya sa daong, at nagpahihip ang Diyos ng isang hangin sa ibabaw ng lupa, at humupa ang tubig.
2 Natakpan din ang mga bukal ng kalaliman at ang mga dungawan ng langit, at napigil ang ulan sa langit.
3 at patuloy na umurong ang tubig sa lupa. Sa pagtatapos ng 150 araw ay humupa ang tubig.
4 At sumadsad ang daong nang ikapitong buwan, nang ikalabimpitong araw ng buwan, sa ibabaw ng mga bundok ng Ararat.
5 At ang tubig ay nagpatuloy ng paghupa hanggang sa ikasampung buwan: nang ikasampung buwan, nang unang araw ng buwan, ay nakita ang mga taluktok ng mga bundok.
6 At nangyari, pagkaraan ng apatnapung araw, na binuksan ni Noe ang dungawan ng daong na kaniyang ginawa:
7 At siya'y nagpalipad ng isang uwak, at ito'y nagparoo't parito hanggang sa natuyo ang tubig sa lupa.
8 At nagpalipad siya ng isang kalapati, upang tingnan kung humupa na ang tubig sa ibabaw ng lupa.
9 Datapuwat hindi nakasumpong ang kalapati ng madapuan ng talampakan ng kaniyang paa, at nagbalik sa kaniya sa sasakyan, sapagkat ang tubig ay nasa ibabaw pa ng buong lupa, at iniunat ang kaniyang kamay at hinawakan, at ipinasok niya sa daong.
10 At naghintay pa ng muling pitong araw; at muling pinalipad ang kalapati sa labas ng sasakyan;
11 At ang kalapati ay nagbalik sa kaniya ng dakong hapon; at, narito't may dalang isang dahong sariwa ng olivo sa tuka, sa gayon ay naunawa ni Noe na humupa na ang tubig sa lupa.
12 At naghintay pang muli siya ng pitong araw; at pinalipad ang kalapati; at hindi na muling nagbalik pa sa kaniya.
13 At nangyari, nang taong ika-601, nang unang buwan, nang unang araw ng buwan, ay natuyo ang tubig sa ibabaw ng lupa, at inalis ni Noe ang takip ng sasakyan at tumanaw siya, at, narito't ang ibabaw ng lupa ay tuyo.
14 At nang ikalawang buwan nang ikadalawampu't pitong araw ng buwan, ay natuyo ang lupa.
15 At nagsalita ang Diyos kay Noe, na sinasabi,
16 "Lumabas ka sa daong, ikaw at ang iyong asawa, at ang iyong mga anak, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.
17 Ilabas mong kasama mo ang bawat may buhay na kasama mo sa lahat ng laman: ang mga ibon, at ang mga hayop, at ang bawat nagsisiusad na umuusad sa ibabaw ng lupa; upang magsipanganak ng sagana sa lupa, at magpalaanakin, at mangagsidami sa ibabaw ng lupa."
18 At lumabas si Noe, at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang asawa, at ang mga asawa ng kaniyang mga anak na kasama niya:
19 Ang bawat hayop, bawat umuusad, at bawat ibon, anumang gumagalaw sa ibabaw ng lupa ayon sa kani-kaniyang angkan ay nagsilabas sa daong.
20 At ipinagtayo ni Noe ng isang dambana si Yahweh; at kumuha sa lahat na malinis na hayop, at sa lahat na malinis na ibon, at nag-alay ng mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana.
21 At sinamyo ni Yahweh ang masarap na amoy; at sinabi ni Yahweh sa sarili, "Hindi ko na muling susumpain ang lupa, dahil sa tao, sapagkat ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang pagkabata; ni hindi ko na muling lilipulin pa ang lahat na nabubuhay na gaya ng aking ginawa."
22 Samantalang ang lupa ay lumalagi, ay hindi maglilikat ang paghahasik at pag-aani, at ang lamig at init, at ang tag-araw at taginaw, at ang araw at gabi.
Kabanata 9
[edit]1 At binasbasan ng Diyos si Noe at ang kaniyang mga anak, at sa kanila'y sinabi, "Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa.
2 At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawat hayop sa lupa, at sa bawat ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay.
3 Bawat gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo.
4 Ngunit ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin.
5 At tunay na hihingan ko ng sulit ang inyong dugo, ang dugo ng inyong mga buhay: sa kamay ng bawat ganid ay hihingan ko ng sulit; at sa kamay ng tao, sa kamay ng bawat kapatid ng tao ay hihingan ko ng sulit ang buhay ng tao.
6 Ang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang dugo: sapagka't sa larawan ng Diyos nilalang ang tao.
7 At kayo'y magpalaanakin at magpakarami; magsilago kayo ng sagana sa lupa, at kayo'y magsidami riyan."
8 At nagsalita ang Diyos kay Noe, at sa kaniyang mga anak na kasama niya, na sinasabi,
9 "At ako, narito, aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo, at sa inyong binhi na susunod sa inyo;
10 At sa bawat nilikhang may buhay na kasama ninyo, ang mga ibon, ang hayop at bawat ganid sa lupa na kasama ninyo; sa lahat ng lumunsad sa sasakyan pati sa bawat ganid sa lupa.
11 At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa."
12 At sinabi ng Diyos, "Ito ang tanda ng tipang ginawa ko sa inyo, at sa bawat kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon:
13 Ang aking bahaghari ay inilalagay ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan ko at ng lupa.
14 At mangyayari, pagka ako'y magbababa ng isang alapaap sa ibabaw ng lupa, na makikita ang bahaghari sa alapaap.
15 At aalalahanin ko ang aking tipan, na inilagda ko sa akin at sa inyo, at sa bawat kinapal na may buhay sa lahat ng laman; at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng laman.
16 At ang bahaghari ay pasasaalapaap, at aking mamasdan, upang aking maalaala, ang walang hanggang tipan ng Diyos at ng bawat kinapal na may buhay sa lahat ng lamang nasa ibabaw ng lupa."
17 At sinabi ng Diyos kay Noe, "Ito ang tanda ng tipang inilagda ko sa akin at sa lahat ng laman na nasa ibabaw ng lupa."
18 At ang mga anak ni Noe na lumabas sa daong ay sina Sem, at Ham at Jafet, at si Ham ay siyang ama ni Canaan.
19 Ang tatlong ito ay mga anak ni Noe, at sa mga ito'y nakalatan ang buong lupa.
20 At nagpasimula si Noe na maging magbubukid, at naglagay ng isang ubasan.
21 At uminom ng alak at nalango; at siya'y nahubaran sa loob ng kaniyang tolda.
22 At si Ham na ama ni Canaan ay nakakita ng kahubaran ng kaniyang ama, at isinaysay sa kaniyang dalawang kapatid na nangasa labas.
23 At kumuha si Sem at si Jafet ng isang balabal, at isinabalikat nilang dalawa, at lumakad ng paurong, at tinakpan ang kahubaran ng kanilang ama; at ang mukha nila ay patalikod, at hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama.
24 At nagising si Noe sa kaniyang pagkalango sa alak, at naalaman ang ginawa sa kaniya ng kaniyang bunsong anak.
25 At sinabi, Sumpain si Canaan! Siya'y magiging alipin ng mga alipin sa kaniyang mga kapatid.
26 At sinabi niya, Purihin si Yahweh, ang Diyos ni Sem! At si Canaan ay maging alipin niya.
27 Pakapalin ng Diyos si Jafet. At matira siya sa mga tolda ni Sem; At si Canaan ay maging alipin niya.
28 At nabuhay si Noe pagkaraan ng bahang gumunaw, ng tatlong daan at limang pung taon.
29 At ang lahat ng naging araw ni Noe ay siyam na raan at limampung taon: at namatay.
Kabanata 10
[edit]10 Ito nga ang sali't saling lahi ng mga anak ni Noe: si Sem, si Ham, at si Jafet: at sila'y nangagkaanak pagkaraan ng bahang gumunaw.
2 Ang mga anak ni Jafet; si Gomer, at si Magog, at si Madai, at si Javan, at si Tubal, at si Meshech, at si Tiras.
3 At ang mga anak ni Gomer: si Azkenaz, at si Rifat, at si Togarma.
4 At ang mga anak ni Javan; si Elisa, at si Tarsis, si Cittim, at si Dodanim.
5 Sa mga ito nangabahagi ang mga pulo ng mga bansa, sa kanilang mga lupain, na bawat isa'y ayon sa kanikaniyang wika; ayon sa kanikanilang angkan, sa kanikanilang bansa.
6 At ang mga anak ni Ham; si Cus, at si Mizraim, at si Put, at si Canaan.
7 At ang mga anak ni Cus; si Sheba, at si Havila, at si Sabta, at si Raama, at si Sabteca at ang mga anak ni Raama; si Seba, at si Dedan.
8 At naging anak ni Cus si Nimrod: siyang napasimulang maging makapangyarihan sa lupa.
9 Siya'y makapangyarihang mangangaso sa harap ni Yahweh kaya't karaniwang sabihin: Gaya ni Nimrod, na makapangyarihang mangangaso sa harap ni Yahweh. 10 At ang pinagsimulan ng kaniyang kaharian ay ang Babel, at ang Erec, at ang Accad, at ang Calneh, sa lupain ng Shinar. 11 Buhat sa lupaing yaon ay napasa Asiria at itinayo ang Ninive, at ang Rehobotir, at ang Calah, 12 At ang Ressen, sa pagitan ng Ninive at ng Calah (na siyang malaking bayan). 13 At naging anak ni Mizraim si Ludim, at si Anamim, at si Lehabim, at si Naftuhim. 14 At si Patrusim, at si Casluim (na siyang pinagbuhatan ng mga Filisteo), at ang Caftorim. 15 At naging anak ni Canaan si Sidon, na kaniyang panganay, at si Het. 16 At ang Jebuseo, at ang Amorrheo, at ang Gergeseo; 17 At ang Heveo, at ang Araceo, at ang Sineo. 18 At ang Aradio, at ang Samareo at ang Amateo: at pagkatapos ay kumalat ang mga angkan ng Cananeo. 19 At ang hangganan ng Cananeo ay mula sa Sidon, kung patungo sa Gerar, hanggang sa Gaza; kung patungo sa Sodoma at Gomorra, at Adma, at Zeboim hanggang Lasa. 20 Ito ang mga anak ni Ham, ayon sa kanikanilang angkan, ayon sa kanikanilang wika, sa kanikanilang mga lupain, sa kanilang mga bansa. 21 At nagkaroon din naman ng mga anak si Sem, na ama ng lahat ng mga anak ni Heber, na siya ring lalong matandang kapatid ni Jafet. 22 Ang mga anak ni Sem; si Elam, at si Assur, at si Arfaxad, at si Lud, at si Aram. 23 At ang mga anak ni Aram: si Uz, at si Hul, at si Geter, at si Mas. 24 At naging anak ni Arfaxad si Shela; at naging anak ni Shela si Heber. 25 At nagkaanak si Heber ng dalawang lalaki; ang pangalan ng una'y Peleg; sapagkat sa mga araw niya'y nahati ang lupa; at ang pangalan ng kaniyang kapatid ay Joctan. 26 At naging anak ni Joctan si Almodad, at si Shelef, at si Hazarmavet, at si Jerah; 27 At si Hadoram, at si Uzal, at si Dicla. 28 At si Obal, at si Abimael, at si Sheba. 29 At si Ofir, at si Havila, at si Jobad: lahat ng ito ay mga naging anak ni Joctan. 30 At ang naging tahanan nila ay mula sa Mesa, kung patungo sa Sefar, na siyang bundok sa silanganan. 31 Ito ang mga anak ni Sem, ayon sa kanikanilang angkan, ayon sa kanikanilang wika, sa kanikanilang lupain, ayon sa kanikanilang bansa. 32 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Noe, ayon sa kanikanilang lahi, sa kanikanilang bansa: at sa mga ito nangabahagi ang mga bansa pagkatapos ng bahang gumunaw.
Talababa
[edit]- ↑ 1:1 o kalangitan sa wikang Hebreo
- ↑ 1:2 Ang pariralang "ang Espiritu ng Diyos ay gumagalaw" ay maaari ding isalin bilang "umiihip ang malakas na hangin" mula sa tekstong Hebreo
- ↑ 1:14 o simburyo
- ↑ 1:16 Ito ay ang Araw
- ↑ 1:16 Ito ay ang Buwan
- ↑ 2:4 Ang pangalang Yahweh, habang lumilitaw sa tekstong Hebreo sa apat na titik-katinig na YHWH, ay hindi kailanman binibigkas ng mga relihiyosong Judio, sa halip ay binibigkas nila itong "Adonai" (o Panginoon) o "Hashem" (na nangangahulugang: Ang Pangalan). Ito ang tinatawag na tetragrammaton na lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Ang ibang mga salin ay gumagamit ng "ang PANGINOON" o kaya'y "YHWH".
- ↑ 2:6 Isang usok na gawa sa tubig, parang maliliit na tubig na nakaangat sa hangin.
- ↑ 2:7 ang Adan sa wikang Hebreo
- ↑ 2:13 Maaaring ang tinutukoy ay ang Etiopia sa kasalukuyan.
- ↑ 2:14 Maaaring ang tinutukoy ay ang Tigris.
- ↑ 2:14 Maaaring ang tinutukoy ay ang Asiria.
- ↑ 2:14 Maaaring ang tinutukoy ay ang Eufrates.
- ↑ 2:23 Sa wikang Hebreo ay isha.
- ↑ 2:23Sa wikang Hebreo ay ish.
- ↑ 3:20 sa wikang Hebreo ay Chawa
- ↑ 3:20 sa wikang Hebreo ay chay
- ↑ 3:24 Tinatawag din silang mga grifon
- ↑ 5:2 Sa wikang Hebreo, ito ay Adan