Ang Manok Kong Bulik
Linggo ng umaga. Ang nayo'y tahimik,
ang maraming dampa'y naro't nakapinid
liban na sa ibong maagang umawit
ay wala ka man lang marinig sa bukid...
Di-kaginsaginsa'y aking naulinig
ang pagtitilaok ng manok kong bulik,
ako'y napabangon at aking naisip:
Pintakasi ngayon! May sabong sa Pasig!
Gadali pa halos ang taas ng Araw
sa likod ng gintong bundok ng Silangan
ay kinuha ko na sa kanyang kulungan
ang manok kong bulik na sadyang panlaban...
Kay-kisig na bulik! At aking hinusay
bawa't balahibong nasira ang hanay,
ang palong ay aking hinimas ng laway,
binughan ng aso nang upang tumapang!
Muling nagtilaok nang napakahaba
at saka gumiri nang lalong magara,
kumkukutok-kutok pa't kumahig sa lupa,
napalatak ako nang hindi kawasa...
Ang aking puhunang sampung piso yata'y
nabilang ko tuloy sa malaking tuwa!
"Sampung pisong husto" ang aking nawika!
"kapagka nanalo'y doble na mamaya!"
Nang aalis ako't handa nang talaga,
siyang pagkagising ng aking asawa;
sinabi sa aking iwanan ko siya
ng maipamaryang dalawang piseta,
ang sagot ko nama'y mangutang ka muna't
sa pagbabalik ko ay babayaran ta...
Nguni, di pumayag, ako'y lumayas na't
baka ang baom ko ay makulangan pa!
Sumakay sa tram'ya na patungong Pasig,
na taglay ang tuwang walang kahulilip!
Hinhimas-himas ang manok kong bulik
at inaantig ko ang lakas ng bagwis!
Nang ako'y dumating sa Pasig kong nais
di naman nalaon ay aking sinapit
ang lumang sabungan; tao'y nagsisikip!
Nakiupo ako't nakikiumpuk-umpok
sa hany ng mga taong tanga'y manok,
ang aking katabi'y agad kong hinimok
na kami'y nagkahig upang magkasubok;
nagkayari kaming sa labang susunod,
mga manok nami'y siyang magsasalpok,
kaya ako noon sa tuwa ng loob
ang panalo'y tila salat ko na halos!
Nang kami'y naron na sa sadyang bitawan,
ang sigawa'y halos hindi magkamayaw!
Ang dala kong kuwalta, todo sa pustaha't
pati kusing yata'y ipinag-ubusan...
"Sa pula! Sa pula!" ang doo'y hiyawan;
"Sa bulik! Sa bulik!" ang dito'y tawagin,
may logro ang diyes sa aking kalaban
at may doblado pa akong napakinggan.
Ang tari ay aming hinubdan ng katad
at ang talim nito'y kumisap na kagyat;
iniaro ko na ang manok kong hawak
saka ibinaba nang lubhang banayad...
nagpandali na po sa gitna ng galak
ang bulik at pulang kapwa malakas,
nang magkasalpok na sa dakong itaas
ang pula'y natari't bituka'y lumabas!
"Panalo na ako!" ang aking nasambit,
ang kagalakan ko'y walang kahulilip
nguni't sa hindi ko malaman kung bakit
ay biglang tumakbo ang manok kong bulik
at hagad bg pula'y sa sulok sumiksik
na nangungupeteng sa karuwaga'y labis...
Kaya, sa nangyari ako ay nanlamig
at pinagpusan pa ng gamunggong pawis...
Nang aking kunin na ang manok kong duwag,
ngalingali ko nang sa lupa'y ihampas,
biro baga itong wala namang sugat
ay siyang tumakbo nang wala sa oras!
Ang sambalilo ko'y nalabnot ko't sukat
at ako'y nanggigil sa sariling palad,
hiyawan ng tao'y hindi magkamulat
at parang tiyupe ang manok kong hawak!
At ako'y umuwing malatang-malata,
malamig ang tulo ng pawis sa mukha,
nang aking sapitin ang sira kong dampa
sa aming palayok tutong man ay wala...
Mainit ang ulo't walang patumangga
sa aking asawa'y nasabi kong bigla;
"O! anak ang tupa! ako ay sinama,
dahil sa kanina'y namuwisit kang lubha!"
Sa nangyayaring ito'y isang bagay lamang
ang sa pagkatalo'y aking natutuhan,
bawa't pagkabigo ay aral sa buhay
at tinandaan kong sabong ay ilagan,
iyang mga taong lagi sa sabungan
todo kung pumusta't todo kung humapay,
alin sa dalawa ang kahihinatnan:
Mamatay sa gutom o kaya'y magnakaw!
This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
|