Jump to content

Pagibig sa tinubuang Bayan

From Wikisource
Pagibig sa tinubuang Bayan (1896)
by Andrés Bonifacio
299936Pagibig sa tinubuang Bayan1896Andrés Bonifacio

Pagibig sa tinubuang Bayan

Panaho’y matamis sa tinubuang Bayan
at pawang panglugod ang balang matanauan,
ang simoy sa parang ay panghatid buhay,
tapat ang pagirog, sulit ang mamatay.

J. Rizal

Aling pagibig pa ang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkadakila
gaya ng pagibig sa tinubuang lupa?
¿alin pagibig pa? wala na nga; wala.

Ulitulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng sangtinakpan ito ang mababatid.

¡Banal na pagibig! pagikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino't alin man,
imbi’t taong gubat maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.

Pagpupuring lubos ang palaging gawad
ng taong mahal sa Bayan niyang liyag
umawit, tumula, kumatha’t sumulat
kalakhan din niya'y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
ng may pusong mahal sa Bayan niyang irog
dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

¿Bakit? ¿alin ito na sakdal ng laki,
na hinahandugan ng buong pagkasi,
na sa lalung mahal nakapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi?

¡Ah! ito’y ang inang Bayang tinubuan
na siyang una’t tangi na kinamulatan
ng kawiliwiling liwanag ng araw
na nagbigay init sa lunong katawan.

Sa kaniya ay utang ang unang paglangap
ng simoy ng hanging nagbibigay lunas
sa inis na puso na sisingap-singap
ng pinakadustang kanyang mga anak.

Kalakip din nitong pagibig sa Bayan
lahat ng lalung mahal
mula sa tuat aliw ng kasangulan
hangang sa katawa’y mapasa libingan.

Ang nangakaraang panahun ng aliw
ang inaasahang araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin
liban pa sa Bayan, ¿saan tatanghalin?

At ang balang kahuy at ang balang sanga
ng parang niya't gubat na kaaya-aya
kung makita’y susagi sa alaala
ang ina’t ang giliw, lumipas na saya.

Tubig niyang malinaw na anaki'y bubog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agus
nakaaaliw din sa pusung may lungkot.

¡Sa aba ng mawalay sa tinubuang Bayan
gunita niya’y laging sakbibi ng lumbay
walang alaala’t inaasam-asam,
kung di ang makita'y ang lupa niyang mahal.

Pati ng magdusa't sampung kamatayan
wari ay masarap kung dahil sa Bayan;
at lalung maghirap, ¡oh! himalang bagay!
lalung pagirog pa ang sa kaniya'y alay.

Kung ang Bayang ito'y nasasapanganib
at kinakailangang siya’y ipagtankilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
sa isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Dapua’t kung ang Baya’y ang Katagalugan
na nilapastangan at niyuyurakan
katuiran niya’t puri ng tagaibang Bayan,
ng tunay na bangis ng hayop sa parang,

¿Di gaano kaya ang paghihinagpis
ng pusung tagalog sa puring na lait?
at ¿aling kalooban na lalung tahimik
ang di pupukawin sa panghihimagsik?

¿Saan magbubuhat ang panghihinayang
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay,
kung wala ding iba na kasasadlakan,
kung di ang lumagi sa kaalipinan?

¿Kung ang pagkabaun niya’t pagkalugmok
sa lusak ng daya’t tunay na pagayop,
supil ng panghampas tanikalang gapos,
at luha na lamang ang pinaaagos?

Sa anyo niyang ito’y ¿sino ang tutungha’y
na di aakayin sa gawang magdamdam?
pusong naglilipak sa pagkasukaban
ang hindi gumugol ng dugo at buhay.

¿Mangyayari kaya, na ito’y malangap,
at hindi lingapin ng tunay na anak,
kung sa inang liig ay nasasayapak
ng mga kastilang gumanti ng hirap?

¿Nasaan ang dangal ng mga tagalog?
¿nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya'y inaapi, ¿bakit di kumilos,
at natitilihang ito’y mapanood?

Hayo na nga, kayo, kayong nangabuhay
sa pagasang lubos ng kaginhawahan,
at walang tinamo kung di kapaitan,
hayo na’t ibigin ang naabang Bayan.

Kayong natuyan na, sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib,
muling pabalungin, tunay na pagibig
kusang ibulalas sa Bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak,
kahuy na sariwa, na nilanta’t sukat
ng balabalaki’t makapal na hirap
muling manariwa’t sa Baya'y lumiyag.

Kayo mga pusong pilit inihapay
ng daya at bagsik ng ganid na asal,
ngayon ay magbangu’t nariyan ang Bayan,
nariya’t humihibik, mga anak siya’y antay.

Kayong mga dukhang walang tanging palad,
kung di ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang Bayan, kung nasa ay lunas,
pagka’t ginhawa niya’y ginhawa ng lahat.

Datapua’t ibigin ng lubos na lubos
sa lahat ng bagay itangi sa loob
at sa kalakhan niya’y dapat na iubos
ng malaking puso ang malaking linkod.

A.B.


This work was published before January 1, 1929, and is in the public domain worldwide because the author died at least 100 years ago.